Ang Dhulm (kawalang katarungan o katuwiran) at pagkamkam ng mga yaman at ari-arian ng mga tao sa paraang di-makatuwiran

Ang Dhulm (kawalang katarungan o katuwiran) at pagkamkam ng mga yaman at ari-arian ng mga tao sa paraang di-makatuwiran

Ang pagkamkam sa mga yaman ng mga tao nang walang katarungan gaano man kaliit ay kabilang sa mga pinakamalaking kasalanan at krimen.

Ang Dhulm (kawalang katarungan at katuwiran) ay kabilang sa pinakamasamang gawain na binigyang-babala ng Islam. Sa katunayan, siya ﷺ ay nagsabi: «Ang isang Dhulm (kawalang katarungan o paniniil) ay nagiging kadiliman sa Araw ng Pagkabuhay na Muli». (Al-Bukhari: 2315 – Muslim: 2579)
Ang pagkamkam sa mga yaman ng mga tao nang di makatuwiran gaano man ito kaliit ay kabilang sa mga pinakamalaking kasalanan at binalaan ang mga gumagawa nito ng isang napakatinding kaparusahan sa Huling Araw. Batay sa sinabi niya ﷺ: «Sinuman ang di-makatarungang kumamkam ng isang dipang sukat ng lupa, ito ay ipupulupot sa kanyang leeg na ang haba nito ay katumbas ng pitong kalupaan sa Araw ng Pagbabangong Muli». (Al-Bukhari: 2321 – Muslim: 1610)

 

Ang ilan sa mga halimbawa ng mga gawaing Dhulm (Kawalan ng Katarungan) sa mga kalakalan:

    1. Ang pamimilit: Ang kalakalan na isinagawa sa ilalim ng pamimilit maging sa alin mang uri nito ay ipinawawalang-saysay ang kasunduan nito. Katotohanan, ang pagsasang-ayon ng magkabilang panig ay isang mahalagang sangkap ng kasunduan upang ang kalakalang namamagitan sa dalawang panig ay tanggapin at kilalanin. Batay sa sinabi niya ﷺ : «Ang bilihan ay kinikilala lamang bilang tunay na bilihan kung ito ay sinang-ayunan ng magkabilang panig [bilang pinagkaisang kasunduan]». (Ibnu Majah: 2185)
    2. Ang pandaraya at panlilinlang sa mga tao upang kamkamin ang kanilang mga yaman sa di-makatarungang pamamaraan ay kabilang sa mga malalaking kasalanan. Batay sa sinabi ng Sugo ng Allah ﷻ: «Sinuman ang mandaya ay hindi nabibilang sa amin». (Muslim: 101). Ang dahilan ng pagkapahayag sa Hadith na ito ay nangyari nang minsan ang Sugo ng Allah ﷻ ay lumabas patungong pamilihan at kanyang napuna ang isang bunton na pagkain (ibig sabihin ay isang tumpok ng mga butil ng trigo) at kanyang ipinasok ang kanyang kamay sa loob ng bunton, kaya kanyang nasalat na ito ay mamasa-masa, at kanyang sinabi sa nagbibili: O Nagmamay-ari ng trigo! Ano ito? Siya ay nagsabi: Ito ay naulanan, O Sugo ng Allah! At kanyang ﷻ sinabi: Bakit hindi mo ilagay ang [mamasa-masang butil] sa ibabaw ng bunton ng pagkaing ito upang ito ay makita ng mga tao? At pagkatapos, kanyang sinabi: «Sinuman ang mandaraya ay hindi nabibilang sa amin [hindi kabilang sa pamayanang Muslim]». (At-Tirmidhi: 1315)

Isinumpa ng Sugo ng Allah ang nagbibigay ng Rishwah (suhol) at ang tumatanggap nito.

  1. Ang Paglalaro [o Panlilinlang] sa Batas: May mga mapanlinlang na tao na kapag nagsampa ng usapin [kaso] sa hukuman ay nagsasalita ng matatamis na pananalita at sa paraang kapani-paniwala upang kamkamin ang yaman sa pamamaraang paniniil o pandaraya [nang di-makatuwiran], hindi nila nababatid na kahit ang hatol ng Hukom ay para sa kanilang panig, hindi nila magagawang patotohanan ang kabulaanan. Batay sa sinabi niya ﷺ : «Katotohanang ako ay isa lamang tao, at ang mga nagsasampa ng usapin [o kaso] ay nagsisilapit sa akin upang ayusin ang kanilang di-pagkakasunduan. At maaari ang ilan sa inyo ay bihasa at kapani-paniwala sa paglalahad ng kanyang kaso kaysa sa kanyang kalaban, na kung saan ay maaari ko siyang panigan at magbaba ng hatol para sa kanya batay sa aking narinig. Kaya, kung ako man ay nagkamaling ibigay sa iba ang karapatan ng isang Muslim [samantalang nababatid nito [ng taong bihasa sa pangangatuwiran na siya ay mali] samakatuwid, sinumang nasa kamalian ay hindi dapat kuhanin ito, sapagkat magkagayon nga, ako ay nagbigay lamang sa kanya ng isang bahagi ng apoy [sa Impiyerno]». (Al-Bukhari: 6748 – Muslim: 1713)
  2. Ang Rishwah (Suhol): Ito ay salapi o serbisyong ibinabayad upang kanyang maimpluensiya ang paghatol o ang gawa ng isang taong nasa panunungkulan upang sa gayong masamang pamamaraan ay kanyang matamo o makuha ang kanyang hinahangad na maaaring matapakan ang karapatan ng iba. Kaya ang suhol ay isang paraang masama at ito ay ipinagbabawal. Isinasaalang-alang ng Islam ang suhol bilang isa sa pinakamasamang uri ng paniniil o kawalang katarungan [Dhulm]) at isang matinding pagkakamali, sapagka’t tunay na isinumpa ng Sugo ng Allah ﷺ ang Ar-Rashi (sinumang nagbabayad ng suhol) at ang Murtashi (sinumang tumatanggap nito). (At-Tirmidi: 1337)
    At kapag ang suhol ay naging laganap at namayani bilang kalakarang nangingibabaw, ito ay sumisira sa haligi ng lipunan at pinipigil nito ang kaunlaran at pagsulong ng pamayanan.

Ano ang hatol ng Islam hinggil sa isang yumakap sa Islam na kumuha o tumatanggap ng yaman sa paraang di-makatuwiran noong panahon na hindi pa siya Muslim?

Sinuman ang yumakap sa Islam at nasa kanya pa rin ang mga ipinagbawal na yamang nagmula o nakuha sa pamamagitan ng suhol sa mga tao, pagsasamantala, at panlilinlang at ng nakakatulad nito; kinakailangan niyang ibalik ito sa mga nagmamay-ari kung sila ay kanyang nakikilala at magagawa niyang ibigay ito sa kanila nang walang idudulot na kapinsalaan laban sa kanya.
Sapagka’t kahit pa man ito’y naganap bago ang pagyakap sa Islam, ang naturang yamang nakuha sa pamamagitan ng suhol, paniniil at kasamaan ay nananatili pa ring nasa ilalim ng kanyang kamay, kaya nararapat lamang na ibalik ang mga yamang iyon kung makakaya niyang gawin ito. Ayon sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Katotohanang ang Allah ay nag-uutos sa inyo na inyong ibalik ang mga ipinagkatiwalang bagay sa nagmamay-ari nito}. Surah An-Nisa’ (4): 58
Datapuwa’t kung hindi niya kakilala ang may-ari nito pagkaraan ng kanyang marubdob na paghahanap, maaari siyang makalaya sa pananagutang ito sa pamamagitan ng paggugol sa kawanggawa.