Ang mga Kasuutan na Ipinagbabawal

Ang mga Kasuutan na Ipinagbabawal:

    1. Ang anumang naglalantad ng `Awrah (bahagi ng katawan na kailangang takpan): Kaya’t isinasatungkulin sa isang Muslim ang pagtatakip sa kanyang Awrah sa pamamagitan ng kasuutan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Katiyakan na Aming ibinaba sa inyo ang saplot [o ang kasuutan] upang ikubli ang inyong mga maseselang bahagi [ng katawan] at bilang palamuti}. Surah Al-A`raf (7): 26
      At hindi ipinahihintulot ang pagtatakip sa pamamagitan ng mga masisikip na kasuutan, na humahapit sa hubog ng mga bahagi ng katawan, gayundin ang manipis na nababanaag ang loob ng katawan, at dahil dito ay nagbigay ng babala ang Allah sa sinumang nagsusuot ng kasuutan na inililitaw ang kanyang Awrah. Sapagka’t sinabi niya  : “Mayroong dalawang uri ng mga nananahan sa Impiyerno” at nabanggit niya: “at ang mga babae na nagsusuot nguni’t halos hubo’t hubad”.
    2. Ang anumang kasuutang may pagkakahawig sa pagitan ng dalawang kasarian: Ang ibig sabihin ay ang pagkakahawig ng mga lalaki sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga damit na natatangi o nakalaan lamang para sa mga kababaihan, at ang pagkakahawig ng mga babae sa mga kalalakihan, sapagka’t ito ay ipinagbabawal na kabilang sa mga malalaking kasalanan, at napapaloob dito ang kanilang panggagaya sa pamamaraan ng kanilang mga pananalita, paglalakad at pagkilos. Sapagka’t “Katotohanang isinumpa ng Sugo ng Allah ﷻ ang lalaki na nagsusuot ng kasuutang pambabae, at ang babae na nagsusuot ng kasuutang panlalaki”. (Abu Daud: 4098) At gayundin na “Isinumpa ng Sugo ng Allah ﷻ ang mga lalaking gumagaya sa mga kababaihan at ang mga babaeng gumagaya sa mga kalalakihan”. (Al-Bukhari: 5546) (Ang kahulugan ng ‘sumpa’ ay ang pagkataboy at paglayo mula sa habag ng Allah). Samakatuwid, nais ng Islam na ang likas na katangian ng lalaki at ang kanyang panglabas na anyo ay maging kakaiba, at gayundin ang nais sa babae, sapagka’t iyon ang kahilingan ng tumpak na kalikasan at wastong lohika.

Ipinagbabawal ang pagsusuot ng kasuutan o damit na may panggagaya sa mga di-muslim, o nagpapakita ng mga simbolo ng isang relihiyon [pananampalatayang] bukod sa Islam.

    1. Ang anumang kasuutang may pagkakahawig sa mga di-muslim na para lamang sa kanilang kasuutan, tulad ng kasuutan ng mga monghe at pari, at pagsusuot ng krus at gayundin ang anumang partikular na palatandaang sumasagisag sa isang relihiyon [pananampalataya], kaya ipinagbabawal ang pagsuot nito na kung saan ay sinabi ng Sugo ng Allah ﷻ : “Sinuman ang nanggagaya sa isang lipon ng mga tao, magkagayon, siya ay kabilang sa kanila”. (Abu Daud: 4031), at napapaloob sa naturang panggagaya ang kasuutan na naglalaman ng partikular na mga simbolo na sumasagisag sa isang pananampalataya at mali [at ligaw] na doktrina. Samakatuwid, ang panggagaya na ito ay isang patunay ng kahinaan ng pag-uugali at kawalan ng pagtitiwala sa sarili sa kung ano ang mayroon sa tao na karapatan.
      At hindi kabilang sa panggagaya ang isang Muslim na nagsusuot ng kasuutang laganap sa kanyang sariling bansa maging ito man ay isinusuot ng karamihang mula sa lipon ng mga di-muslim; sapagka’t ang Propeta ﷺay nagsuot din nang kasuutang tulad ng pagsusuot ng mga pagano mula sa lipon ng mga Quraish maliban sa mga kasuutang nailahad na bawal dito.
    2. Ang anumang kasuutang nagpapahiwatig ng pagmamalaki at pagmamataas. Sa katunayan, siya  ay nagsabi: “Hindi makakapasok sa Paraiso ang sinumang mayroong pagmamalaki sa kanyang puso maging ito man ay kasing bigat lamang ng isang [butil ng] mais. (Muslim: 91)
      At ito ang dahilan kung bakit ipinagbawal ng Islam ang pagkaladkad sa damit at paglaylay nito na lagpas sa ibabang bahagi ng mga bukung-bukong para sa mga kalalakihan, kapag ito ay dahil sa pagmamalaki at pagmamataas. Sapagka’t sinabi niya  : “Sinuman ang kumakaladkad ng kanyang damit bilang pagmamataas, hindi ibabaling sa kanya ang paningin ng Allah sa Araw ng Pagkabuhay na Muli”. (Al-Bukhari: 3465 – Muslim: 2085)
      At ipinagbawal din ang damit na makatawag-pansin [pagpapasikat], ito ay ang kasuutan na kapag isinuot ng isang tao, ay nakakatawag-pansin sa mga tao at siya ay pinag-uusapan, kaya makikilala [at magiging sikat] ang nagmamay-ari nito; at ito ay dahil sa pagiging nakakatwag-pansin nito, o dahil sa pandidiri ng mga tao rito dahil sa itsura nito o kulay nito na nagkakasalungatan, o dahil sa pinangingiralan ang nagsusuot nito ng pagkamakaako at pagmamalaki. Ang Sugo ng Allah ﷻ ay nagsabi: “Sinuman ang nagsuot ng damit na pangpasikat sa mundong ito, pasusuutan siya ng Allah ng damit na pang-aba sa Araw ng Pagbabangon Muli”. (Isinalaysay ni Ahmad: 5664 – at ni Ibnu Majah: 3607)

Ipinagbabawal ang pagmamalabis sa [paggugol ng] pananamit, at ito ay nagkakaiba ayon sa pinagkakitaan ng isang tao at ng mga karapatang [pananalapi] na dapat niyang tupdin.

  1. Kapag ito ay mayroong sutla o ginto para sa mga kalalakihan, sapagka’t ang mga ito ay ipinagbabawal ng Islam sa mga kalalakihan. Batay sa sinabi niya  tungkol sa ginto at sutla: “Katotohanan ang dalawang ito ay ipinagbabawal sa mga kalalakihan ng aking pamayanan, ipinahihintulot sa mga kababaihan nila”. (Ibnu Majah: 3595 – Abu Daud: 4057)
    At ang pinatutukuyan na ipinagbabawal na sutla sa mga kalalakihan ay: ang likas na sutla na nagagawa ng uod ng silkworm.
  2. Ang anumang may kasamang pagmamalabis rito at paglulustay. Siya  ay nagsabi: “Magsikain kayo, at magsipagkawanggawa kayo, at magsipagsuot kayo nang walang pagmamalabis at pagmamataas”. (An-Nisaai: 2559)
    At ito ay nagkakaiba nang ayon sa pagkakaiba ng kalagayan [o kakayahang pananalapi], kung gayon ang isang mayaman ay maaaring bumili ng damit na hindi nararapat na bilhin ng isang mahirap bilang paghahambing sa kanyang kayamanan at sa kanyang buwanang kita, at pangkabuhayang kalagayan, at iba pang mga karapatan na tungkulin niyang pangalagaan, samakatuwid ang isang damit ay maaaring ituring na isang pagmamalabis sa karapatan ng isang mahirap, subali’t hindi maaaring ituring na isang pagmamalabis sa karapatan ng isang mayaman.