Ang Pananamit (o Kasuutan ) sa Pananaw ng Islam

Ang Pananamit (o Kasuutan ) sa Pananaw ng Islam

Ang kasuutan ng isang Muslim ay nararapat na pagtuunang pansin ang maganda [maayos] at malinis na pananamit, lalung-lalo na sa kanyang pakikipag-ugnayan [o pakikiharap] sa mga tao at sa pagsasagawa ng kanyang Salaah (pagdarasal). Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah:
{O mga anak ni Adan, magsuot kayo ng palamuti [maayos na damit sa pagtungo], sa bawa’t masjid (na inyong pagdarasalan]}. Surah Al-A`raf (7): 31
At katotohanan, [bilang Batas] itinagubilin ng Allah sa tao na siya ay dapat mag-ayos [o magpaganda] ng kanyang kasuutan at bikas, sapagka’t ito ay kabilang sa paglalarawan [at palatandaan] ng mga biyaya ng Allah. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi:
{Sabihin mo [O Muhammad]: Sino ba ang nagbabawal sa palamuti ng Allah, na Kanyang inililitaw [ipinasusuot] para sa Kanyang mga alipin, at sa mga mabubuting [bagay na] nagmula sa panustos? Sabihin: “Ang mga ito ay para sa mga naniniwala sa makamundong buhay, [at] natatangi para sa kanila sa Araw ng Pagkabuhay na Muli.” Ganyan Namin ipinaliliwanag [sa masusing paraan] ang ayaat [mga aral, tanda] para sa mga taong nakaaalam}. Surah Al-A`raf (7): 32

Ang kasuutan ay nagbibigay sa tao ng mga di-mabilang na pakinabang [at kabutihan].

Ang Pananamit ay Nagbibigay ng Maraming Bilang ng Mabuting Layunin

  1. Tinatakpan nito ang ilan sa mga partikular na bahagi sa katawan ng tao mula sa paningin ng mga tao, sa pamamagitan ng pagsunod sa pamantayan ng kahinhinan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {O mga anak ni Adan, katiyakan na Aming ibinaba sa inyo ang saplot [kasuutan] upang ikubli ang inyong mga maseselang bahagi [ng katawan] at bilang palamuti}. Surah Al-A`raf (7): 26
  2. Pinangangalagaan nito ang katawan ng tao laban sa init, lamig at kapinsalaan, sapagka’t ang lamig at init ay bunga ng pabagu-bago ng hangin, at ang kapinsalaan naman ay pag-aabuso sa katawan ng tao. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi tungkol sa kabutihan ng kasuutan: {… at Kanyang ginawa para sa inyo ang mga kasuutan upang kayo ay isanggalang laban sa init at [ginawa rin] ang mga kasuutang baluti upang kayo ay isanggalang mula sa inyong [mga kaaway] sa [panahon ng] digmaan. Kaya, ganyan Niya ginagawang ganap ang Kanyang pagpapala sa inyo upang sakali kayo ay tumalima [sa Kanyang kautusan]}. Surah An-Nahl (16): 81

 

Ang Pangkalahatang Alituntunin Tungkol sa Kasuutan (Pananamit)

Ang Islam ay Relihiyon na naglalahad ng mga alituntunin batay sa likas ng tao – matwid na katwiran at katarungan.
At sa Pangkalahatang Pananaw ng Islam, ang lahat ng Pananamit [at Kasuutan] ay Ipinahihintulot:
Samakatuwid, ang Islam ay hindi nagpasiya sa tao ng partikular na uri ng kasuutan, bagkus kinilala ang kabutihan ng lahat ng kasuutan, hangga’t nananatiling naipatutupad ang pangangailangan nito nang walang pag-aabuso at pagmamalabis.
At ang Sugo ng Allah ay nagsuot ng mga kasuutang isinusuot noong kanyang kapanahunan, at hindi siya nag-utos ng partikular na kasuutan at hindi rin siya nagbawal ng partikular na kasuutan, bagkus siya ay nagbawal lamang sa ilang partikular na kasuutan sapagkat ang pangkalahatang pananaw ng Islam hinggil sa pakikitungo sa tao ay kinabibilangan din ng pananamit [o kasuutan]. Lahat ng bagay ay pinahihintulot maliban lamang sa patunay ng pagbabawal o sumasalungat sa mga Ibaadah (mga gawaing pagsamba) tulad ng pagdarasal at pag-aayuno na nakapailalim sa prinsipiyo ng paghihigpit, na ang isang responsableng Muslim ay hindi dapat magsagawa ng alinmang Ibadaah maliban na ito ay malinaw na nakatakda at pinagtibay ng Allah, na walang gawang pagsamba ang dapat isagawa na walang batayan mula sa Qur’an at Sugo ng Allah.
Sinabi ng Propeta ﷺ : “Magsikain kayo, magkawanggawa kayo at magsuot kayo ng mga kasuutan nang walang pagmamalabis at pagmamataas”. (An-Nisaai: 2559)

Bagaman ang Islam ay nagbigay na malinaw na pamamaraan ng pagiging mapitagan at mababang kalooban, hindi ito nagtakda ng pamantayang uri ng kasuutan na dapat isuot ng isang Muslim. Nguni’t maaaring magsuot ang Muslim ng kasuutang tulad ng karaniwang isinusuot ng mga mamamayan ng isang pamayanan, maliban sa mga kasuutang ipinagbawal ng Islam.